

Beermen, Inungusan ang Ginebra: Tiket sa finals selyado na!
ni Isko Moreno

Mala-agilang humambalos ang San Miguel Beermen mula sa mga nakalalasing na tira upang ipalasap ang mapait na pagbagsak sa Barangay Ginebra matapos ang umaatikabong sagupaan sa game 3 ng PBA Governor’s Cup Best of Five Semi Finals, 94-91, na linarga sa nag-iinit na Mall of Asia Arena, ika-15 ng Oktubre, 2024.
Kayod kalabaw ang Most Valuable Player (MVP) na si Jherico Cruz na humagod ng 16 na puntos, walong rebounds, at apat na assist, kaniya rin naging kaagapay si Terrence Romeo na bumutas ng 10 puntos at dalawang assist.
Agarang nagsagutan ng mga humahambalos na tres ang magkabilang koponan sa unang kartada palang, ngunit di nagtagal, pinoste ng Ginebra ang Beermen mula sa mga sagradong half court press na lubos na nagpahirap sa beermen upang makadikit sa kanilang ring at tuluyung palobohin ang kalmangan.
Gayunpaman, nagtamo ng injury sa kanang paa ang import ng Ginebra na si Justin Brownlee kaya’t dito na muling natumbok ng Beermen ang kumpiyansa upang magpatuloy sa pagratsada at muling habulin ang naagwat na kalamangan sa unang kartyada, 22-20.
Nagpatuloy ang pagratsada ng Beermen sa ikalawang kartada, nagpaulan ng mga nakasusulasok na tres ang Beermen na kasabay ng mga mapanlinlang na gather step para sa agarang pag-angkin ng kartada, 47-40.
Muling bumulusok ang Ginebra sa ikatlong kartada upang takasan ang pamumuntiryang Beermen sa kanila, unti-unti nilang naibaba ang pitong kalamangan hanggang sa magtapos ang ikatlong kartada sa parehong iskor, 60-60.
Tagisan ng bangis at bilis sa pagpapatuloy ng laro, naglalagablab na palitan ng tira ang magkabilang koponan mula sa mga sumasagitsit na tres, alley ops, at lay ups hanggang sa muling nagtabla ang magkabilang koponan sa nahuhuling walong Segundo ng laro.
At sa huling ball possession ng Beermen, isang nakakalaglag-pangang tres ang pinakawalan ni Cruz ang tuluyang tumapos sa laro, 94-91.
Matagumpay na naibulsa ng Beermen ang tiket papuntang finals mula sa kanilang puspusang pag-eensayo, determinasyon at pagtitiwala sa sarili. At ngayon, sila ay naghahanda na para sa Magnolia Hotshots na kanilang magiging katunggali sa finals.